Pagiging Vegan o Vegetarian: Mga Motibasyon at Impluwensiya
[This post has been translated from English to Tagalog. You can find the original post here. This translation was made possible with support from World Animal Protection courtesy of a grant from the Open Philanthropy Project.]
Background
Pagdating sa diyeta ng vegan at vegetarian (veg*n), ang mga dahilan ng tao sa pagsasabuhay sa mga ito ay isa sa mga pinakapinag-aaralan. Halimbawa, ipinakita ng mga pag-aaral na ang protektahan ang kalusugan, kapaligiran, at ang mga hayop ang pinakakaraniwang motibasyon sa U.S. (Faunalytics, 2014)—pero hindi naman ito pareho sa ibang mga bansa (hal., India; Vietnam; Netherlands). Ipinapakita rin ng pagsasaliksik na ang mga taong may etikal na motibasyon ay posibleng manatiling veg*n nang mas mahabang panahon kaysa sa mga may motibasyong pangkalusugan (Faunalytics, 2014; Hoffman et al., 2013). Sa pag-aaral na ito, sinuri namin ang kaugnayan ng iba’t ibang motibasyon na ito sa tagumpay sa pagpapanatili ng diyeta sa paglipas ng panahon. Inaasahan namin na ang mga natuklasan namin ay gaya ng sa pinakakaraniwang motibasyon at makikita namin na, sa katulad na paraan, ang mga taong may motibasyon na protektahan ang mga hayop ay magiging mas matagumpay sa kanilang transisyon.
Bilang karagdagan sa mga motibasyong ito, maaari din nating isipin kung saan nanggaling ang motibasyon ng isa: kung ito ay galing sa sarili niya o sa impluwensiya ng iba. Ipinakita ng nakaraang pagsasaliksik na nakapokus sa mga pag-uugali sa kalusugan na ang mga tao ay mas malamang na magkaroon at makapagpanatili ng mga tunguhin kung ito ay panloob o galing sa sarili nila (intrinsic) kaysa sa mga tunguhin na ginawa nila para lang pasayahin ang iba (Williams et al., 1996). Sa pag-aaral na ito, inasahan namin na ganoon din ang mangyayari sa transisyon sa pagiging veg*n. Halimbawa, kahit na para sa dalawang tao na may parehong motibasyon, tulad ng protektahan ang mga hayop, inaasahan namin na ang tao na gayon ang motibasyon dahil sa iyon ay isang mahalagang bahagi ng kaniyang pagkatao ay magiging mas matagumpay sa kaniyang tunguhin kaysa sa tao na ang pangunahing gusto ay ang mapuri ng kaniyang kapuwa.
Ang mga pangkalahatang motibasyon gaya ng kalusugan o pangangalaga sa kapaligiran ay isa lang sa mga dahilan para lumipat sa pagiging veg*n. Sa likod ng motibasyong iyon ay isang psychological orientation na kilalá bilang speciesism: ang paniniwala na ang mga tao ay mas mahalaga kaysa sa mga miyembro ng iba pang mga species. Ang speciesism ay nauugnay sa veg*nism. Halimbawa, ipinapakita ng Caviola et al. (2018) na ang mga vegetarian ay hindi gaanong speciesist kaysa sa mga hindi vegetarian. Pero wala kaming malinaw na ebidensiya tungkol sa kung alin ang nauna. Gusto ba ng mga tao na maging veg*n dahil hindi sila masyadong speciesist, o nagiging bukás ba ang kanilang pag-iisip sa pananaw ng anti-speciesist sa oras na sila ay maging veg*n kaya nagiging less-speciesist sila sa paglipas ng panahon? Ito ay isa sa mga katanungan na aming inimbestigahan sa pag-aaral na ito.
Panghuli, bukod sa aspetong pangkalahatan at psychological, kailangan din nating isaalang-alang ang mga partikular na pangyayari na nakakaimpluwensiya sa mga tao na maging veg*n, mula sa panonood ng dokumentaryo tungkol sa paghihirap ng mga hayop hanggang sa pagsunod sa payo ng doktor na bawasan ang pagkain ng karne. Pinag-aralan ng mga mananaliksik ang napakaraming interbensiyon na dinisenyo para maimpluwensiyahan o mapataas ang mga motibasyon ng mga tao na maging veg*n para sa isang partikular na kadahilanan (hal., Mathur et al., 2021). Mas totoo ito para sa tagapagtaguyod ng kapakanan ng mga hayop, kung saan ang pagtukoy at pagdiriin sa mga kadahilanang iyon ay isang pangunahing bahagi ng adbokasiyang pandiyeta. Sa ulat na ito, isinaalang-alang namin kung paano nauugnay sa tagumpay ang mga partikular na impluwensiyang ito.
Mga Kalahok
Kasama sa pag-aaral na ito ang 222 na miyembro ng pangkalahatang publiko sa U.S. at Canada, na lahat ay nagsimulang lumipat sa pagiging vegan o vegetarian na diyeta sa loob ng nakaraang dalawang buwan.
Ang seksyong Level of Commitment ng unang ulat ay nagpapakita na mahigit sa 90% ng mga kalahok ang nagsabi na malamang o siguradong permanente nilang ipagpapatuloy ang kanilang bagong pagbabago sa diyeta. Kaya baka pinakamabuti kung isasalang-alang ang mga kalahok na ito na dati ay interesado o gusto lang na magbago ng diyeta, pero ngayon ay handa nang magsikap para maabot ang tunguhin na pagiging veg*n. Ang mga yugto ng pagbabago ay isinasaalang-alang nang mas detalyado sa seksyong “Pangkalahatang Pagganyak” sa tab na “Mga Konklusyon.”
Mga Pangunahing Natuklasan
- Ang mga self-driven o panloob na motibasyon na maging veg*n ay maaaring maging isang mapuwersang dahilan para sikaping magtagumpay. Ang mga self-driven na motibasyon ay nagmumula sa loob ng isang tao, tulad ng kanilang mga personal na pagpapahalaga o moral na pagkakakilanlan. Samantalang sa mga panlabas na motibasyon, kasama dito ang mga bagay tulad ng pagkadama ng pressure mula sa ibang tao para magtagumpay. Ang mga taong may parehong panloob at panlabas na motibasyon ay malamang na pinakamatagumpay: Halimbawa, 70% ng mga tao na nakakuha ng mataas na puntos sa parehong panloob at panlabas na motibasyon sa simula ng pag-aaral ang nakamit o lumampas pa sa kanilang tunguhin na antas ng pagkonsumo ng produktong hayop sa pagsapit ng ikaanim na buwan, kumpara sa 59% ng lahat ng kalahok. Kahit na ipinapakita nito na ang parehong pinagmumulan ng motibasyon ay maaaring magdulot ng tagumpay, natuklasan ng nakaraang pagsasaliksik na ang mga panlabas na motibasyon ay mas nakakapinsala para sa pangmatagalang pagpapanatili ng tunguhin. Kaya iminumungkahi naming bigyang-diin ang mga panloob na motibasyon kung posible, gaya ng nakadetalye sa seksyong “Mga Rekomendasyon” sa ibaba.
- Ang mga kalahok ay naging less speciesist mula nang maging veg*n, at ang mga mas matagumpay sa pag-abot sa kanilang tunguhin bilang veg*n ang may pinakamalaki ang nabawas sa speciesism. Sa paglipas ng unang anim na buwan ng pagkakaroon ng diyeta ng isang bagong veg*n, ang speciesism ng mga tao ay bumaba nang malaki. Mas totoo ito para sa mga pinakamatagumpay sa kanilang diyeta. Kahit medyo anti-speciesist ang mga taong veg*n kumpara sa pangkalahatang populasyon, na may average na 1.8 lang sa 1 hanggang 5 na sukat, bumaba ang average sa 1.5 sa loob ng anim na buwan ng pag-aaral.
- Ang pagkakaroon ng mga karanasan sa animal advocacies ay nagpataas ng antas ng tagumpay sa pagkonsumo ng mga tao sa kanilang bagong diyeta, kapakanan man ng hayop ang kanilang pangunahing motibasyon o hindi. Ibig sabihin, lahat ng taong nakakita ng hindi maganda o graphic media ng mga farmed animals (42%), nanood ng isang dokumentaryo (36%), at/o nakatanggap ng impormasyon mula sa isang animal advocacy group (21%), ay naging mas mahusay sa pag-abot ng kanilang tunguhin na antas ng pagkonsumo ng produktong hayop pagkalipas ng anim na buwan, kahit na isinasaalang-alang ang kanilang mga pangkalahatang motibasyon at panimulang antas ng tagumpay. Sa kabilang banda, ang mga taong nakatanggap ng impormasyon mula sa isang celebrity o influencer (23%) ay mas malayo sa kanilang tunguhin na antas ng pagkonsumo kaysa sa mga hindi nakatanggap. Ang iba pang mga partikular na impluwensiya ay maaaring mahalaga rin kahit na hindi napasama ang mga iyon sa pinakamahahalagang impluwensiya sa pag-aaral na ito.
- Ang pagkaalam ng partikular na mga katotohanan ay maaari ding magpapataas ng tagumpay sa pagkonsumo, pero dapat na may kasama itong iba pang makakaimpluwensiya. Nalaman ng mga kalahati ng mga tao (51%) kung paano minamaltrato ang mga farmed animal, at nalaman namin na ang karanasang ito ay maaaring makabawas sa tagumpay kung ito lang ang impluwensiya, pero ang negatibong bagay na ito ay nawawala kapag naranasang kasama ng iba pang mga impluwensiya. Nalaman ng mahigit sa dalawang-katlo ng mga tao (68%) ang tungkol sa mga kapakinabangan sa kalusugan ng pagkain na plant-based, na nakita namin na positibong nauugnay sa tagumpay, pero ang kapakinabangang iyon ay nawawala kung mayroon din silang iba pang maimpluwensiyang karanasan. Sa kabaligtaran, ang pagkaalam sa damdamin ng mga farmed animals (na mayroon ang 31% ng mga tao) ay lumilitaw na nakakatulong lang kung may kombinasyon ng iba pang mga impluwensiya—kung mag-isa, wala itong malinaw na epekto sa tagumpay.
- Sa pangkalahatan motibasyon, 42% ng mga naglalakbay tungo sa pagiging veg*n ay para sa kalusugan, 20% ay para protektahan ang mga hayop, at 18% ay para pangalagaan ang kapaligiran. Pero ang mga pangkalahatang motibasyong ito ay walang epekto sa kung gaano katagumpay ang mga tao sa kanilang mga diyeta. Katulad ng nakaraang pagsasaliksik, ang mga motibasyong pangkalusugan ang pinakakaraniwang dahilan ng pagiging veg*n. Bagaman natuklasan ng pag-aaral ng Faunalytics noong 2014 na ang mga tao na ang kalusugan lang ang motibasyon ay may posibilidad na itigil ang kanilang diyeta, ipinapakita ng kasalukuyang pag-aaral na kahit sinusubukan lang ng mga taong iyon ang veg*nism, malabong itigil ng mga taong commited ang diyeta nila anuman ang kanilang pangunahing motibasyon.
Mga Rekomendasyon
- Hikayatin ang mga tao na humanap at magkaroon ng mga panloob na motibasyon. Nakakatulong ang mga ito hindi lang para mas maging matagumpay siya sa pagsunod sa diyeta ng isang veg*n kundi para din mapanatili niya ang diyeta. At ipinakita ng pagsasaliksik mula sa iba pang mga domain na kapag ang tunguhin ay galing sa sarili niya, mas malamang na maabot at mapanatili ito. Halimbawa, maaari mong matulungan ang mga tao na matukoy kung alin sa kanilang mga personal o moral na mga pagpapahalaga ang naaayon sa kanilang tunguhin, o kung bakit makakapagpasaya sa kanila ang pag-abot sa tunguhing ito. Subukang iwasan ang pagbibigay ng mga ideya ng pagiging maganda para sa iba o para matugunan ang inaasahan ng ibang tao.
- Unti-unting hikayatin ang mga taong naudyukan nang maging veg*n para sa pangkalusugan o pangkapaligiran na mga dahilan na alamin din kung paano nakikinabang ang mga hayop dahil sa mga ginagawa nila. Ang mas mapuwersang mga karanasan tulad ng mga inilarawan sa “Mga Pangunahing Natuklasan” #3 sa itaas ay malamang na makakatulong, at maaaring maging karagdagang motibasyon para matulungan silang mapanatili ang kanilang mga tunguhin. Mahalaga ito dahil tulad ng alam natin mula sa pag-aaral ng Faunalytics noong 2014, maraming sumubok na maging veg*n ang sumuko. Ang pagtulong sa mga tao na mapanatili ang pagbabago ay kailangang maging bahagi ng ibinibigay na suporta ng mga tagapagtaguyod.
- Kapag itinataguyod ang veganism, vegetarianism, o pagbabawas, huwag gamiting motibasyon ang pangkalusugan lang, kundi gamitin ito kasama ng pangangalaga sa mga hayop at/o kapaligiran. Ang kalusugan ang pinakakaraniwang pangunahing motibasyon para sa pagiging veg*n, kaya ang pagbanggit sa kung paano napapabuti ang kalusugan ay maaaring makahikayat sa mas maraming tao na subukan ang veg*nism. Pero ang motibasyon sa kalusugan lang ay hindi mabuti para sa pagpapanatili ng diyeta ng veg*n, kaya gamitin ang mga mensaheng iyon kasabay ng impormasyon tungkol sa kung paano nakikinabang ang mga hayop at ang kapaligiran—at panatilihin ito habang ginagawa nila ang mga unang hakbang sa kanilang paglalakbay tungo sa pagiging veg*n. Ang pagmumungkahi na maghanap sila ng media tungkol sa factory farming, mga dokumentaryo, o iba pang materyal tungkol sa animal advocacy ay maaaring maging epektibo.
Iba Pang Ulat Mula sa Pag-aaral na Ito
Ang layunin ng pag-aaral na ito ay ang magbigay ng maaasahang impormasyon sa mga tagapagtaguyod kung paano matutulungan ang mga bagong veg*n na mapanatili ang kanilang bagong lifestyle. Ito ang pangalawang ulat sa serye na may tatlong bahagi na ilalabas sa pag-aaral na ito.
- Nakatuon ang unang ulat sa pangkalahatang antas ng tagumpay at inilarawan ang iba’t ibang paraan ng paglipat ng mga tao sa veg*nism.
- Ang ikatlong ulat, na darating sa huling bahagi ng taóng ito, ay magpopokus sa napakahalagang tanong ng pagiging epektibo ng iba’t ibang estratehiya para malampasan ang mga hadlang sa pagpapanatili ng pagiging veg*n.
Ang proyektong ito ay nakagawa ng napakaraming datos, na lahat ay ipo-post sa Open Science Framework sa oras na makompleto na namin ang aming sariling mga pagsusuri at publikasyon. Pansamantala, kung mayroon kayong karagdagang mga tanong tungkol sa pag-aaral na gusto mong maisaalng-alang namin, pakisuyong makipag-ugnayan sa [email protected].
Mga Mananaliksik
Ang mga may-akda ng proyektong ito ay sina Jo Anderson (Faunalytics) at Marina Milyavskaya (Carleton University). Gayunpaman, ang proyektong ito ay isang napakalaking gawain at hindi magiging posible kung walang suporta ng maraming indibidwal at mga organisasyon.
Lubos kaming nagpapasalamat sa mga boluntaryo ng Faunalytics na sina Renata Hlavová, Erin Galloway, Susan Macary, at Lindsay Frederick dahil sa kanilang suporta at tulong sa gawaing ito, gayundin sa estudyante ng Carleton na si Marta Kolbuszewska at sa napakaraming mga animal advocates na tumulong sa pagre-recruit. Lubos din kaming nagpapasalamat sa VegFund, Animal Charity Evaluators, at Social Science and Humanities Research Council (SSHRC) para sa pagpopondo sa pagsasaliksik na ito. Panghuli, nagpapasalamat kami sa lahat ng aming mga respondent sa survey para sa kanilang oras at pagsisikap.
Overview sa Pamamaraan
Nakatuon ang proyektong ito sa mga karanasan ng mga bagong vegan at vegetarian (para sa simplisidad ay tinutukoy bilang mga veg*n sa ulat na ito) sa U.S. at Canada. Pinakisuyuan ang mga kalahok na kompletuhin ang isang survey noong sila ay nag-sign up para lumahok, pati na rin ang anim na follow-up na survey na ipinadala buwan-buwan sa loob ng sumunod na anim na buwan.
Ang demographics ng aming mga kalahok ay medyo kumakatawan din sa pangkalahatang populasyon, pero tinimbang din namin ang mga resulta para maging mas malapit sa populasyon ng U.S. Para sa higit pang mga detalye tungkol sa pamamaraan sa pag-aaral, tingnan ang unang ulat.
Pagiging Kinatawan, Pagtitimbang, at Attrition
Ang sampol para sa pag-aaral na ito ay 222 kalahok, na ipinakita ng isang pre-registered power analysis na higit pa sa sapat na bilang para makita ang mga makabuluhang epekto sa mga regression analysis na aming ginamit para siyasatin ang aming mga pangunahing katanungan sa pagsasaliksik. Kahit na mas maliit ang sampol kaysa sa madalas mong nakikita sa ibang mga pag-aaral ng Faunalytics, ang mas malalaking sampol ay karaniwang para sa mga pag-aaral kung saan ang isa sa mga pangunahing layunin ay tantiyahin ang mga istatistika ng populasyon. Ang isang sampol ng humigit-kumulang 1,000 tao ay nagbibigay ng 3.1% na margin of error, habang ang kasalukuyang pag-aaral na ito ay may margin of error na 6.6%. Kahit hindi ito magiging maganda kung ang pagtatantiya ng mga istatistika ng populasyon ang aming pangunahing layunin, ang isang mas maliit na sampol ay kinakailangan para sa aming mga pangunahing katanungan sa pagsasaliksik, tulad ng nabanggit sa itaas. Maaari kang magbasa nang higit pa tungkol sa margin of error sa seksyong “Payo sa Pagsasaliksik” sa aming website.
Para matiyak na ang sampol na ito ay kumakatawan sa mga bagong veg*n hangga’t maaari, sinundan namin ito ng isang paunang rehistradong plano ng pagkukumpara sa mga ito sa isang mas malaking sampol (n = 11,399) ng mga veg*n mula sa pag-aaral ng Faunalytics noong 2014. Nasisiyahan kaming malaman na ang kasalukuyang sampol ay tumugma nang husto sa karamihan ng mga demographics na iyon, pero para ma-maximize ang pagiging kinatawan, tinimbang namin ang mga resulta para tumugma.
Sa pangkalahatan, 65% ng mga kalahok ang nakakompleto sa buong pag-aaral. Sinuri namin ang mga katangian ng mga taong umalis sa pag-aaral at walang nakitang malaking pagkakaiba sa pagitan ng mga taong nakakumpleto at hindi nakakumpleto nito (differential attrition). Ang pagsusuring ito ay inilarawan nang detalyado sa unang ulat.
Mga Konklusyon
Mga Pinagmumulan ng Motibasyon
Bilang karagdagan sa uri ng motibasyon na nagtutulak sa mga tao na maging veg*n, mahalaga din kung saan nagmumula ang motibasyong iyon. Sa pag-aaral na ito, nalaman namin na ang parehong panloob at panlabas na motibasyon ay nauugnay sa pag-abot sa tunguhin na antas ng pagkonsumo ng produktong hayop. Pero ipinakita ng nakaraang pagsasaliksik na ang panloob na motibasyon ay may posibilidad na maging mas mahusay para sa pag-abot at pagpapanatili ng mga tunguhin ng isang tao (Williams et al., 1996). Kaya kung ang mga tagapagtaguyod ay naghahanap ng rekomendasyon sa pagitan ng dalawa, mariin naming iminumungkahi na suportahan ang mga tao sa pagbuo ng mga panloob na motibasyon. Halimbawa, maaari mong matulungan ang mga tao na tukuyin ang mga paraan kung paano naaayon ang kanilang mga tunguhin sa pagkain sa mga pagpapahalagang pinanghahawakan na nila o sa pananaw nila sa kanilang sarili. Kahit na hindi pa gusto ng isang tao na maging vegetarian o vegan sa ngayon, ang pagtulong sa kanila na makita ang kaugnayan sa pagitan ng pagbabawas ng pagkonsumo ng produktong hayop at ng mga tunguhin o pagkakakilanlan na iyon ay maaaring makatulong sa kanila na mabawasan ang pagiging speciesist at ang kanilang pagkonsumo ng produktong hayop sa hinaharap.
Ang mga panlabas na pinagmumulan ng motibasyon—tulad ng pagiging veg*n para pagandahin ang pisikal na hitsura ng isang tao o para matugunan ang mga inaasahan ng iba—ay nauugnay pa rin sa tagumpay sa pagkonsumo, kaya hindi mo kailangang piliting alisin ang mga ito sa mga tao. Pero tulad ng nabanggit sa itaas, ang mga panlabas na pinagmumulan ng motibasyon ay maaaring hindi gaanong kapaki-pakinabang para sa pag-abot at pagpapanatili ng mga tunguhin (Williams et al., 1996). Ito ay partikular na madaling makita kung ang tunguhin ay magbawas ng timbang para sa panlabas na hitsura, kung saan ang veg*nism ay isang paraan lang para sa tunguhing ito na maaari namang palitan ng iba pang mga diyeta o estratehiya para maabot ang tunguhin. Kung walang panloob na motibasyon para ituloy ang veg*nism, mas madaling itigil ito at palitan ng ibang estratehiya.
Speciesism at Pagpapalawak ng Moral Circle
Sa sampol na ito ng mga taong commited sa ideya ng pagiging veg*n, ang mga paunang antas ng speciesism ay mababa na kumpara sa pangkalahatang populasyon at mas bumaba pa sa unang anim na buwan o higit pa sa transisyon sa kanilang bagong diyeta. Dagdag pa, ang mga taong mas matagumpay sa pag-aalis ng mga produktong hayop sa kanilang diyeta ay nakaranas ng pinakamalaking pagbawas sa kanilang antas ng speciesism sa loob ng anim na buwan.
Ito ay maaaring nagpapakita ng dalawang bagay: Una, ang malinaw, ang pag-iisip na ang mga hayop bilang kapantay ng mga tao ay malamang na maging dahilan para alisin ng mga tao ang mga produktong hayop mula sa kanilang diyeta. Ang problema, ang pagtulong sa mga tao na isipin na ang mga hayop ay kapantay ng mga tao ay mahirap, at isang bagay na hindi pa nasasagot ng pagsasaliksik. Gayunpaman, ang pangalawang punto ay isang hakbang para malutas problemang iyan.
Madalas na ginagamit ng mga mananaliksik at tagapagtaguyod ang meat paradox: ang ideya na maraming tao ang kumakain ng karne at tinatangkilik ito, pero hindi nasisiyahan sa pag-iisip na ang mga hayop ay pinapatay para maging pagkain. Maraming beses na sumulat ang Faunalytics tungkol sa hindi pangkaraniwang bagay na ito at kung paano nangangatuwiran ang mga tao sa paggawi nila (hal., Benningstad & Kunst, 2020; Earle et al., 2019; Kunst & Hohle, 2016; Piazza et al., 2015; Tian et al. , 2016).
Ang isang maaaring dahilan kung bakit mahirap kumbinsihin ang mga tao na palawakin ang kanilang moral circle at isama ang mga non-human animal ay dahil sa meat paradox. Sa madaling salita, talagang naniniwala ng mga taong kumakain ng karne na ang mga hayop ay higit na di-importante kaysa sa mga tao dahil gusto nilang ipagpatuloy ang pagkonsumo sa mga hayop. Itinuturo ng mga resulta ng pag-aaral na ito na kahit na magpasiya ang isang tao na maging veg*n para sa mga kadahilanang walang kaugnayan sa animal ethics—na naglalarawan sa 80% ng aming mga kalahok na nagsabing ang kanilang pinakamalakas na motibasyon ay kalusugan, kapaligiran, o iba pa—na ang matagumpay na pagtigil sa pagkonsumo ng mga produktong hayop, ay nangangahulugan na hindi na nila ito kailangang bigyang katuwiran at samakatuwid ay maaaring maging less speciesist. Sa ibang paraan, iminumungkahi namin na hikayatin ng mga tagapagtaguyod ang mga tao na maging veg*n para sa anumang kadahilanan at tulungan silang manatiling veg*n, dahil kapag ginawa nila ito nang ilang sandali, mas malamang na yakapin nila ang pag-iisip na anti-speciesist.
Mga Espesipikong Impluwensiya
Mahalaga ang maging espesipiko. Ang datos mula sa pag-aaral na ito ay nagpapakita na mahalaga hindi lang ang pagkakaroon ng dahilan para maging veg*n kundi ng pagkakaroon ng maraming espesipikong impluwensya na lahat ay tungo sa veg*nism. Ang pinakakapansin-pansing positibong impluwensya ay ang panonood ng isang dokumentaryo, pagkakita ng hindi maganda o graphic media ng mga farmed animals, at pagkuha ng impormasyon mula sa isang animal advocacy group, habang ang pagkuha ng impormasyon mula sa mga celebrity at influencer ay lumilitaw na nakakababawas sa tagumpay. Sa pangkalahatan, iminumungkahi nito na dapat hikayatin ng mga tagapagtaguyod ang mga taong naudyukan nang maging veg*n na patuloy na magsaliksik, lalo na kung hindi nila pangunahing tunguhin ang protektahan ang mga hayop. Maaari nilang palakasin ang motibasyon na mayroon na sila kung kukuha pa sila ng karagdagang mga impormasyon, na maaaring malinaw na magpakita sa kanila ng mga ebidensya para mapanatili ang kanilang motibasyon at maabot ang kanilang tunguhin.
Maaaring maramdaman na hindi gaanong epektibo ang patuloy na pakikipagtulungan sa isang taong aktibo nang nagsasagawa ng veg*n na diyeta sa halip na magpokus sa paghahanap ng mga bagong taong maiimpluwensyahan. Pero tulad ng alam natin mula sa pag-aaral ng Faunalytics noong 2014, maraming sumubok na maging veg*n ang sumuko, at ang pagtulong sa mga tao na mapanatili ang pagbabago ay kailangang maging bahagi ng suportang ibinibigay ng mga tagapagtaguyod. Sa malapit na panahon, maaari itong ipakita bilang praktikal at nakakapagpasarap sa pakiramdam na impormasyon, na magbibigay ng karagdagang motibasyon at magpapakita na ang desisyon ng isang tao ay nakakatulong sa maraming paraan. Sa mas mahabang panahon, dinisenyo ito para patibayin ang desisyon at panatilihing veg*n ang mga tao.
Pangkalahatang Motibasyon: Mga Hayop, Kapaligiran, o Kalusugan?
Ang mga pangkalahatang motibasyon para sa pagiging veg*n—tulad ng protektahan ang mga hayop, pangalagaan ang kapaligiran, o mga tunguhing pangkalusugan—ay nakakapukaw ng atensyon ng mga tagapagtaguyod. Iminumungkahi ng nakaraang pagsasaliksik na ang mga taong may etikal na motibasyon ay posibleng manatiling veg*n nang mas mahabang panahon kaysa sa mga may motibasyong pangkalusugan (Faunalytics, 2014; Hoffman et al., 2013). Pero sa pag-aaral na ito, na nakapokus sa mga taong pinanindigan na ang kanilang pagbabago sa diyeta, nalaman namin na ang mga pangkalahatang motibasyon ay hindi isang makabuluhang indikasyon ng antas ng tagumpay ng mga indibidwal sa pagsunod sa isang veg*n na diyeta.
Kung titingnan natin ang transisyon sa veg*nism sa pananaw ng Transtheoretical Model (Bryant et al., 2021), ang isang indibidwal ay dumadaan sa ilang yugto: mula sa precontemplation (kapag hindi nila alam na ang veg*nism ay isang opsyon), sa pagmumuni-muni (isinasaalang-alang ang pagiging veg*n), sa paghahanda (pagpapasya na maging veg*n at subukan ito), aksiyon (aktibong sinusubukang maging veg*n), at pagpapanatili (nagsisikap na maiwasan ang pagtigil). Ang mga indibidwal sa aming pag-aaral ay na-recruit sa yugto ng paghahanda o mga yugto ng pagkilos tungo sa paglipat sa veg*nism—maaaring magsisimula pa lang o nagsimula na kamakailan lang.
Ang aming kasalukuyan at nakaraang pagsasaliksik sa paksa ng pagpapanatili at pagtigil sa veg*nism ay nagpapakita na ang mga pangkalahatang motibasyon ng isang tao ay mas mahalaga sa mga yugto ng pagbabago na pagmumuni-muni at paghahanda kaysa sa mga susunod na yugto ng pagkilos at pagpapanatili. Ibig sabihin, kapag nabasa mo ang isang headline na nagsasabing ang ilang porsyento ng mga taong lumipat sa pagiging veg*n para sa kalusugan ay sumuko rito, napakahalaga kung ang pinag-uusapan natin ay ang mga taong “naging veg*n” sa punto na talagang sinubukan ito (ang yugto ng paghahanda) o ang mga taong “naging veg*n” sa punto na sila ay naging commited sa pagiging at pagpapanatiling veg*n (ang yugto ng pagkilos).
Binigyang-kahulugan ng pag-aaral ng Faunalytics noong 2014, kung saan natagpuan na 84% ng mga veg*n ang itinigil ang kanilang mga diyeta, ang veganism at vegetarianism para ang sinumang sumubok ng isa sa mga diyeta na iyon sa anumang yugto ng panahon ay makasama. Ang kasalukuyang pag-aaral, kung saan tinantiya ang antas ng pagtigil sa diyeta ay sa pagitan ng 9% at 43% (tingnan ang unang ulat), ay inilarawan bilang isang anim-na-buwang pag-aaral sa simula pa lang. Ang paglalarawang ito ay malamang na naging dahilan para hindi na lumahok ang mga taong “sinusubukan” lang ang diyeta, dahil hindi nila nilalayon na ituloy ang diyeta sa loob ng anim na buwan o higit pa. Sa madaling salita, mas mataas ang porsiyento ng mga taong umurong sa veg*nism kung isasama natin ang mga nasa yugto ng paghahanda kaysa sa basta ang mga nakarating na sa yugto ng aksiyon.
Ano ang ibig sabihin nito para sa mga taong nagtataguyod ng mga plant-based diet? Sa madaling salita, ang paggamit ng mensaheng nakatuon sa kalusugan lang ay malamang na hindi isang magandang diskarte, pero maaari at dapat itong gamitin kasama ng kampanya para protektahan ang mga hayop at/o ang kapaligiran. “Dapat” dahil ang kalusugan ang pinakakaraniwang pangunahing motibasyon para sa pagiging veg*n at ang pagsasabi sa kapakibangang pangkalusugan ay maaaring makahikayat sa mas maraming tao na subukan ang veg*nism. Gayunpaman, natuklasan ng pag-aaral ng Faunalytics noong 2014 na ang kalusugan bilang nag-iisang motibasyon ay hindi maganda para sa pagpapanatili ng diyeta kaya kung pagtutuunan ng pansin ang motibasyong pangkalusugan nang mag-isa, marami sa mga taong kinukumbinsi mong subukan ang veg*nism ay maaaring hindi manatili dito sa mahabang panahon.
Bilang resulta, iminumungkahi namin na gumamit ka ng mensahe tungkol sa kapakinabangan sa kalusugan kasabay ng impormasyon tungkol sa mga pakinabang ng mga aksiyon ng mga veg*n sa mga hayop at kapaligiran—at panatilihin iyon habang ginagawa nila ang mga paunang hakbang sa kanilang paglalakbay tungo sa pagiging veg*n. Gaya ng nabanggit sa seksiyon ng mga espesipikong impluwensya, ang mga video tungkol sa hindi magandang katotohanan ng factory farming, mga dokumentaryo, at pakikipag-usap sa mga animal advocates, sa pangkalahatan, ay kabilang sa mga pinakamabisang paraan ng pagtulong sa mga tao na magtagumpay, anuman ang kanilang pangunahing motibasyon sa pagiging veg*n

Related Posts
-
-
Pagiging Vegan O Vegetarian: Mga Hadlang at Istratehiya sa Landas Tungo sa Tagumpay
Ito ang pangatlo at huling ulat sa aming serye na naglalarawan sa mga resulta ng longitudinal na pag-aaral ng Faunalytics ng mga bagong vegan at vegetarian (veg*ns). READ MORE
Jo AndersonSeptember 7, 2022
-
-
Pagiging Vegan o Vegetarian: Maraming Paraan Para Maabot ang Isang Tunguhin
Ang pag-aaral na ito ay isa sa mga unang pagtatangka na subaybayan ang maagang pagbabago sa diyeta sa isang mahaba-habang panahon. Ang unang ulat na ito ay nagbibigay ng kaunawaan sa mga taong commited sa pagiging veg*n at kung paano nila ito ginagawa sa "tunay na mundo," sa labas ng konteksto ng isang kampanyang adbokasiya. READ MORE
Jo AndersonJune 30, 2021
-
-
Recreational fishing sa Buong Mundo: Mga Paunang Pagtatantiya
Ang mga mananaliksik ay nangalap ng datos at gumawa ng paunang pagtantya sa dami ng mga recreational fish na nahuli sa buong mundo. READ MORE
Jacob LichtyMarch 17, 2020
