Fish Welfare: Sino ang Una Nating Tutulungan?
[This post has been translated from English to Tagalog. You can find the original post here. This translation was made possible with support from World Animal Protection courtesy of a grant from the Open Philanthropy Project.]
Ang pag-aaral ng isang bagay na kasinlawak ng “fish welfare” ay tulad ng pag-aaral ng “mammal welfare”—ang mga daga at mga elepante ay magkaibang-magkaiba ang pangangailangan sa pagkain, tubig, at tirahan. Sa katulad na paraan, ang iba’t ibang uri ng isda ay may iba’t ibang pangangailangan sa temperatura, pH level, at antas ng oksiheno sa kanilang tubig. Kahit na sampu-sampung bilyong isda ang pinalalaki sa mga palaisdaan kada taon, kakaunti lang ang alam natin tungkol sa pinakapangunahing mga salik na nakakaapekto sa kanilang kapakanan. Sa pag-aaral na ito, pinag-aralan ng mga mananaliksik sa Fish Welfare Initiative ang mga salik na ito, gayundin ang mga pinaka-epektibong paraan upang mapabuti ang kapakanan ng ilang iba’t ibang species.
Nagsimula ang mga mananaliksik sa pamamagitan ng pagsusuri sa 26 na iba’t-ibang bansa na nagpapatakbo ng mga palaisdaan. Sinuri nila ang mga bansang ito batay sa ilang mga pamantayan, tulad ng kadalian ng pagsisimula ng isang bagong organisasyong pangkapakanan, kakayahan na maimpluwensyahan ang mga lokal na pamahalaan, at saloobin ng mga lokal na mamamayan pagdating sa kapakanan ng mga isda. Nakita nila ang anim na bansa na mukhang magandang magkaroon ng pagpapabuti sa kapakanan ng mga isda: India, Bangladesh, Vietnam, Indonesia, Taiwan, at Pilipinas.
Mas nagtuon ng pansin ang mga mananaliksik sa mga isda na pinakakaraniwang inaalagaan sa mga bansang ito: catla, striped catfish, rohu, nile tilapia, bangus, at torpedo-shaped catfish. Ang mga isdang ito ay inaalagaan sa napakaraming bilang dahil kaya nilang mabuhay kahit sa mahirap na mga kalagayan. Bagama’t hindi sila madaling mamamatay sa mahirap na kalagayan, hindi ito nangangahulugang hindi na sila nagdurusa. Ang tunay na pagpapabuti sa kapakanan ng isda ay hindi lamang nangangahulugan ng pagpapanatili ng kanilang buhay— nangangahulugan ito ng pagtigil sa kanilang pagdurusa.
Pagkatapos, batay sa limang iba’t-ibang salik ay sinuri ng mga mananaliksik kung aling mga species ang higit na makikinabang mula sa pagpapabuti ng kapakanan: sensitivity, mahihirap na kalagayan ng pamumuhay, kabuuang populasyon ng inaalagaang isda, kapabayaan, at tractability. Para sa kanila, ang tractability ang pinakamahalaga—ang interbensyon ay itinuturing na tractable kung may matibay na ebidensya na maaari itong magsulong sa pagpapabuti ng kapakanan. Sinadya rin ng mga mananaliksik na iwanan ang anumang mga salik na may kaugnayan sa damdamin. Ang isa sa kanilang mga layunin ay tumulong na hubugin ang kinabukasan ng pagsasaliksik para sa kapakanan ng isda, at ayaw nilang imungkahi na dapat muna nating suriin ang damdamin ng bawat species bago pag-aralan ang mga pagpapabuti sa kanilang kapakanan. Ang usapin kung may damdamin ba o wala ang mga isda ay pinagtatalunan pa rin sa ilang bahagi ng komunidad na pang-agham, at hindi kinakailangan na mapatunayan muna ito bago kumilos.
Pagkatapos ay gumawa ang mga mananaliksik ng isang weighted factor model, kung saan ang bawat salik ay may itinalagang porsiyento na nag-aambag sa isang pangwakas na marka. Halimbawa, ang “tractability” ay binigyan ng 25% at ang “mahihirap na kalagayan ng pamumuhay” ay binigyan 20%, na nagpapakita na ang tractability ay bahagyang mas mahalaga para sa pagpapabuti ng kapakanan. Higit na partikular, ang oras na ginugugol sa pagsasaliksik ng tractability ay bahagyang mas mahalaga kaysa sa oras na ginugugol sa pagsasaliksik ng mga kalagayan ng pamumuhay. Batay sa karagdagang pagsasaliksik, nagtalaga sila ng mga marka mula isa hanggang tatlo sa bawat salik para sa bawat species. Halimbawa, ang milkfish, o bangus, ay binigyan ng marka na tatlo para sa salik na “mahihirap na kalagayan ng pamumuhay,” na nagmumungkahi na ang mga kalagayan ng pamumuhay ng bangus ay lubhang mahirap. Sa paglalapat ng weighted factor model, kinakalkula nila ang pangkalahatang marka para sa bawat species na tumutukoy kung gaano kabisa ang isang interbensyon para sa pagbubuti ng kapakanan. Makakahanap ka ng link sa lahat ng mga kalkulasyong ito dito. Ipinapakita ng resulta na ang catla ay malamang na higit na makikinabang mula sa isang interbensyon sa kapakanan dahil sa malaking bilang ng mga inaalagaang catla (tinatayang nasa 1.5 hanggang 9.9 bilyong isda noong 2018) at mahihirap na kalagayan ng pamumuhay sa mga palaisdaan.
Sa pangkalahatan, natuklasan ng mga mananaliksik na wala masyadong makukuhang impormasyon tungkol sa mga paraan ng pagpapabuti sa kapakanan ng mga isda sa mga palaisdaan. Ang mga nagtratrabaho sa mga palaisdaan ay bihirang magdokumento at maglathala ng mga kondisyon sa kanilang mga palaisdaan, at napaka-kaunti ng pagsasaliksik sa mga kondisyon na kasing simple ng pinakamainam na temperatura ng tubig para sa mga partikular na species. Sa halip na gumawa ng isang espesipikong gabay sa pinakamahusay na pagpapabuti sa kapakanan ng isda, umaasa ang mga mananaliksik na ang kanilang trabaho ay makakatulong para mas bigyang pansin ang hindi gaanong pinag-aaralan na pagpapabuti sa kapakanan ng isda. Habang nagsisimulang magsaliksik ang mas maraming organisasyon ukol sa kapakanan ng isda, mas maiintindihan natin kung ano ang magandang kondisyon ng pamumuhay para maging malusog ang mga isda, at makagagawa tayo ng mga naaangkop na advocacy interventions.
