Ano ang Sinasabi sa Atin ng 15-Taóng Datos ng Kalakalan ng mga Hayop?
[This post has been translated from English to Tagalog. You can find the original post here. This translation was made possible with support from World Animal Protection courtesy of a grant from the Open Philanthropy Project.]
Ang kalakalan ng mga hayop sa buong mundo ay isang malaking problema—at ito ay isang isyu na may sariling kategorya sa Faunalytics Research Library. Ang problema ay hindi lang sa halatang isyu tungkol sa kapakanan ng mga exotic companion animal, bilang halimbawa. Ang kalakalan ng mababangis na hayop para maging alagang hayop at para sa kanilang mga bahagi ay may napakalaking direktang masamang epekto para sa mga hayop na sangkot at higit pang hindi direktang epekto dahil sinisira nito ang biodiversity, inilalagay sa panganib ang mga species, at nakakadagdag sa napakaraming iba pang isyu sa ekolohiya.
Mayroong dalawang pangunahing dimensyon ang kalakalan ng mga hayop: nariyan ang ilegal na kalakalan, kung saan ang mga lihim na grupo at mga indibidwal ay pumapatay o nanghuhuli ng mga hayop para gamitin at abusuhin sa black market; pagkatapos, nariyan ang legal na kalakalan ng mga hayop, kung saan ang ilang mga species ay ibinebenta para maging mga alagang hayop o ginagamit para sa bahagi ng kanilang katawan, sa paraang kaayon ng mga panuntunan ng batas. Mahalagang sabihin dito na ang dalawang dimensyong ito ay maraming pagkakapareho: kung ano ang legal sa isang bansa ay maaaring hindi sa ibang bansa, at marami sa ilegal na kalakalan ng mga hayop ay may sangkot na “laundering” na nagiging dahilan para magmukhang legal ang pinagmulan ng ilang mga species at produkto. Ginagawang malabo ng pagkakapareho sa pagitan ng dalawang uri ng kalakalan ang pagsusuri sa industriya sa pangkalahatan.
Ang layunin ng pag-aaral na ito ay suriin ang pag-aangkat ng mga hayop at mga produktong mula sa hayop sa United States, na partikular na nakapokus sa saklaw at lawak ng legal na kalakalan. Bagama’t ang ilegal na kalakalan ay mahalaga at nararapat na makakuha ng atensiyon, mauunawaan lang natin ito nang higit sa pamamagitan ng datos mula sa mga enforcement agency—at ang iba ay paghihinuha at mga pagtatantiya. Para maisagawa ang aming pagsusuri, pinag-aralan namin ang 15-taóng datos (2000-2014) mula sa Law Enforcement Management Information System (LEMIS), na orihinal na kinolekta ng United States Fish and Wildlife Service (USFWS), nilinis, ini-standardize, at itinago sa isang R package na tinatawag na lemis ng EcoHealth Alliance. Maaaring makahanap ng higit pang impormasyon tungkol sa dataset na ito dito.
Isang Mundo ng Pagdurusa: Mga Trend at Kabuoan, 2000-2014
Sa unang sulyap pa lang, makikita na agad sa mga istatistika kung gaano kalawak ang legal na kalakalan ng mga hayop: sa 15-taóng datos, nagkaroon ng mahigit 2 milyong magkakahiwalay na shipment, na binubuo ng higit sa 60 uri ng buháy na nilalang at higit sa 3.2 bilyong buháy na mga organismo. Kahit parang mababa ang mga naturang bilang kung ikukumpara sa bilang ng mga hayop na kinakatay para gawing pagkain bawat taon, malinaw na banta ito sa mga ecosystem at sa mga indibidwal na species na naninirahan sa mga iyon.
Sa graph sa ibaba, maaaring makita ang ilang mga detalye ng bilang ng mga natatanging shipment bawat taon, mga taunang halaga ng dolyar, ang bilang ng mga item bawat taon, at ang kabuoang timbang ng mga shipment bawat taon.
Sa susunod na graph sa ibaba, makikita natin ang ilang karagdagang detalye—ang halaga ng pag-aangkat ayon sa taon ng shipment at taxa. Makikita na agad sa graph na ito kung anong mga uri ng hayop ang ”pinakamahal” sa partikular na taon, sa kabuoan ng panahon, at nagpapakita ng mga pagtaas at pagbaba sa iba’t ibang panahon.
Kapansin-pansin na ang karamihan sa mga species sa dataset na ito ay hindi kasalukuyang iniuulat ng Convention on International Trade in Endangered Species, o CITES, isang internasyonal na kasunduan na ang layunin ay “tiyaking ang internasyonal na kalakalan sa mga specimen ng mababangis na hayop at halaman ay hindi banta sa kanilang buhay.” Bagama’t iyon ay isang malawak na utos, pinamamahalaan ng CITES ang kanilang ginagawa batay sa kahinaan ng mga species—ang mga species ay niraranggo nang katulad sa IUCN Red List, at ang mga pinakananganganib ang nakakakuha ng higit na atensiyon.
Sa ibaba, ipinapakita ng graph kung ilan sa mga shipment ng kalakalan mula 2000-2015 ang tinanggihan o kung hindi man ay natukoy bilang ilegal. Habang ang aktuwal na bilang ng mga tinanggihang shipment ay maaaring magbago ng ilang libo bawat taon, ang mga pagtanggi ay nanatiling proporsyonal sa humigit-kumulang 2% ng kabuoang bilang ng mga shipment, o mas mababa. Ang mga makasaysayang mababang porsiyentong ito ay nagpapakita ng isang pangunahing problema: anuman ang mga hakbang na ginawa para maalis ang ilegal na pangangalakal ng mga hayop, napakalaking bahagi ng kalakalan ay legal at hindi abót ng kakayahan sa pagpapatupad ng anumang pamahalaan o grupo ng mga pamahalaan.
Panghuli, tingnan natin ang pinakakaraniwang mga bansa na pinagmumulan ng kalakal at mga port of entry, at magpopokus tayo sa nangungunang 10. Kahit marami sa mga bansang pinagmulan ay maaaring hindi na nakakagulat dahil sa alam na natin tungkol sa kalakalan ng mga hayop sa buong mundo, ang ibang mga bansa tulad ng Canada ay mas nakakagulat. Sa pangkalahatan, mula 2000-2014, ang mga shipment sa U.S. ay nagmula sa 252 iba’t ibang bansa at 75% ng lahat ng mga shipment ay mula sa nangungunang 15 bansa. Sa graph sa ibaba, tiningnan namin ang nangungunang 10 bansa batay sa kabuoang bilang ng mga item at ang nangungunang mga port of entry sa United States ayon sa porsiyento ng kabuoang bilang ng mga shipment. Agad nating makikita na ang China at Pilipinas ay lubos na nakakahigit sa lahat ng iba pang bansang pinagmulan, habang ang apat na port of entry—Los Angeles, New York City, Miami, at Newark—ang tumanggap ng humigit-kumulang 50% ng lahat ng mga shipment.
Higit Pang Pagsusuri
Bukod sa malalawak na detalye na binanggit sa itaas, lilitaw ang mga kapansin-pansing detalye kung higit pa nating susuriin ang mga datos. Sa graphsa ibaba, tiningnan muna namin ang mga pinakakaraniwang uri ng mga item na kinakalakal, na nagpapakitang ang mga produktong shell at mga buháy na specimen ay nangingibabaw sa lahat ng iba pa. Sa pangalawang tab, makikita natin ang mga pinakakaraniwang kinakalakal na item ayon sa timbang, na nagpapakita na ang karne at mga patay na hayop ay higit na nangunguna, habang ang kategoryang “hindi natukoy” ay nag-iiwan ng mga hindi nasagot na mga tanong.
Sa ating higit na pagsusuri, nakita natin na ang kalakalan ng mababangis na hayop ay tunay ngang isang kakaibang mundo, na may mga uri ng item at ang kanilang mga halaga, na nakakapagpataas ng kilay ng iba. Sa graphsa ibaba, makikita natin ang kabuoang halaga ng mga inangkat para sa iba’t ibang kategorya ng mga item batay sa paglalarawan at ang average na presyo ng pag-angkat bawat yunit ng iba’t ibang item. Sa isang sulyap, makikita natin na tuloy pa rin pag-aangkat at pangangalakal ng ivory—kahit na ang karamihan sa internasyonal na kalakalan at komersyal na pagbebenta ay ipinagbawal na mula pa noong 1990. Bakit? Sa U.S., pinapayagan ng mga regulasyon ang legal na pag-aangkat sa bansa bilang ”hunting trophy,” at pinapayagan din ang “pre-ban” na ivory na ipagpalit sa pagitan ng statelines. Samantala, ang mas kakaibang mga item tulad ng calipee—isang mala-gelatin na substansiyang mula sa mas mababang shell ng mga pagong—ay pumapalo ng halos $1,700 kada yunit.
Kapag iniisip natin ang lahat ng ito, nagsisimulang mabuo ang isang tanong: Bakit nangyayari ang lahat ng kalakalang ito, at ano ang katangian ng supply chain? Kahit hindi ito lubos na naipapaliwanag ng mga datos, ang ipinahayag na mga dahilan kung bakit inaangkat ang mga hayop at kanilang mga bahagi ang makakapagbigay ng sagot. Sa graphsa ibaba, makikita natin ang pinakasikat na nakasaad na mga kadahilanan kung bakit inaangkat ang mga hayop at ang kanilang mga bahagi, at gayundin, ang mga nakasaad na source sa mga bansang nag-e-export ng mga ito. Kahit na mayroong ilang mga kapansin-pansing pagkakaiba dito, ang karamihan ng mga item ay inaangkat para sa komersyal na layunin (o bilang mga hunting trophy), at ang karamihan sa mga hayop na ito ay kinuha mula sa likas na tirahan ng mga ito, o pinalaki sa kulungan.
Nakakalungkot ang mga natuklasan natin tungkol sa kalakalan ng mga hayop: ang legal na pangangalakal ng hayop ay parang gumagana nang tapat, lantaran, at ang mga legal na interbensyon ay kakaunti. Bagama’t ang pagsusuri nang higit sa mga detalye ay nakakatulong sa amin na ipakita ang ilan sa mga pag-iiba at partikularidad ng kalakalan, mahalaga bilang mga tagapagtaguyod ng mga hayop na mag-isip nang higit pa sa dataset na ito, ang legal na kalakalan na kinakatawan nito, at kung paano natin mababawasan ang kalakalan at ang epekto nito sa hinaharap.
2015 at Patuloy: Mga Pagtaas ng Pagkumpiska at ang Papel ng Korapsyon
Siyempre, hindi natapos ang pangangalakal ng mga hayop noong 2014. Nagpatuloy ito nang masigasig sa nakalipas na ilang taon. Ang United Nations Office On Drugs And Crime (UNODC) ay naglabas ng isang ulat noong 2020 tungkol sa trafficking ng mga protektadong species. Ito ay iba kaysa sa karamihan ng pagsusuri sa itaas na tungkol sa legal na kalakalan. Dito, tinitingnan ng UNODC ang iba’t ibang dimensyon ng ilegal na kalakalan, mula sa bilang ng mga nakumpiska at halaga ng mga ito, hanggang sa pagsusuri sa bawat species at papel ng mga suhol at ipinagbabawal na pananalapi na ginagawa.
Ang ilan sa mga natuklasan ng ulat ay halo-halo, depende sa iyong pananaw. Pagkatapos ng maikling pagbaba ng pagkumpiska ng mga ilegal na kalakalan ng mga hayop noong 2014 at 2015, tumaas ang bilang ng mga pagkumpiska noong 2016 at 2017. Ito ay maaaring isang magandang balita, na nangangahulugan na ang pagpapatupad ay pinaigting at ang mga awtoridad ay nagiging mas mahusay sa paghuli sa mga ilegal na aktibidad; sa kabilang banda, maaari itong mangahulugan na ang aktibidad ng pagpapatupad ay nanatiling pareho pero sadyang lumalakas ang ilegal na pag-aangkat. Marahil parehong tama ang dalawang ito, pero hindi tayo sigurado. Sa bahagi nito, hindi nililinaw ng ulat ang puntong ito, na binabanggit na ang datos ng mga pagkukumpiska ay nag-iiba sa kalidad at kahulugan nito: “Bagama’t hindi lubos na malinaw ang ipinapahiwatig ng mga pagkumpiska,” ang sabi ng ulat, “mayroon silang potensiyal na magbigay ng mahahalagang kaunawaan kapag pinagsama-sama sa sapat na bilang. Hindi sila maaaring bigyan ng mababaw na kahulugan o bigyang-kahulugan nang mekanikal, pero ang mga ito ay konkretong ebidensya ng kriminal na gawain na kung wala ang mga ito ay hindi makikita.”
Ang ilan sa iba pang mga natuklasan ay mas malinaw. Ang ulat ay gumagawa ng isang espesyal na punto tungkol sa kung paanong ang kalakalan ng mga hayop at poaching ay nauugnay sa organisadong krimen:
Ginagawa ng organisadong mga kriminal na grupo na mula sa iba’t ibang bansa ang mga operasyon nila sa mga border; kasama sa kanilang mga ilegal na gawain ang laundering sa mga nalikom mula sa kanilang mga krimen, pagkokorap sa mga opisyal o pagsasagawa ng mga tiwaling gawain, at aktibong pagkilos para hadlangan ang hustisya. Ang mga naturang grupo ay gumagamit ng sopistikado at kumplikadong mga network ng transportasyon at pananalapi. Binibigyang-diin ng ulat na ito na karamihan sa mga gawaing ito ay kasama sa pinakaseryosong anyo ng krimen sa mga hayop. Ang laki at sukat ng mga ilegal na shipment na nakadokumento sa ulat na ito ay nangangailangan ng komplikadong logistik at malalakas na network, na nagpapakita ng pagiging organisado ng mga krimeng ito at ang pagiging sangkot ng maraming indibidwal na kabilang sa trafficking.
Dagdag pa nila na ang isyu ng katiwalian at ang paraan kung paano ito nakikita pataas at pababa ng supply chain ay ang pangunahing problema na dapat solusyonan: “[ito] ay nakikita sa iba’t ibang paraan, mula sa mga opisyal na tumatanggap ng suhol at nakikipagsabwatan sa mga kriminal hanggang sa pag-abuso sa katungkulan at paglustay sa perang inilalaan para sa pamamahala at proteksyon ng mga hayop. Ang mga suhol na ibinayad sa mga opisyal ay maaaring malaking bahagi ng kabuoang gastos sa wildlife trafficking.”
Ang Pandemic Asterisk at Mga Direksiyon sa Hinaharap
Mula nang tamaan ang buong mundo ng pandemic sa anyo ng COVID-19, tila karamihan sa mga bagay na tinatalakay natin ay nangangailangan ng asterisk sa tabi nila. Ang datos na tinalakay dito ay maaaring makapagsabi tungkol sa kung ano ang nangyayari sa isang “karaniwang taon” ng kalakalan ng mga hayop—at tiyak na makakatulong ito para linawin ang mga trend sa paglipas ng panahon—pero paano ang tungkol sa 2020 at sa sumunod pang mga taon? Ano ang mangyayari sa kalakalan ng mababangis na hayop sa isang mundo na wala nang COVID?
Ang 2020 ay isang pambihirang taon sa halos lahat ng paraan. Nang pansamantalang huminto ang mundo noong kalagitnaan ng Marso, huminto rin ang karaniwang bilis ng paglalakbay kasabay nito. Habang ang pinagmulan ng COVID-19 ay natumbok sa isang bukas na merkado sa Wuhan, China, ang mga conservation group at ang maraming iba pang grupo ay nagsimulang manawagan para wakasan ang mga “wet market,” isang paninindigan na nabaon sa pagtatangi ng lahi mula sa simula. Sa paglipas ng panahon, gayunpaman, maraming grupo ang gumawa ng mas pinagsama-samang pagsisikap para palawakin ang kanilang pokus sa pananawagan para sa higit pang mga paghihigpit sa kalakalan ng mga hayop sa pangkalahatan. Tunay nga, gaya ng nakita natin mula sa 15-taóng datos sa itaas, napakaraming mga buháy na hayop ang pinangangalakal sa buong mundo sa bawat taon, at kung angkop ang kalagayan, halos anuman sa mga ito ay maaaring maging tagapagdala ng sakit.
Bagama’t hindi pa natin tiyak na maibabalangkas ang epekto ng COVID-19 sa kalakalan ng mababangis na hayop noong 2020, ang ilang paunang datos ay tila nagpapahiwatig na ang pagbagal ng paglalakbay sa buong mundo ay may epekto sa ilang rehiyon—halimbawa, ang South Africa ay nag-ulat ng 33% pagbaba ng rhino poaching noong 2020. Nalaman ng pagsusuri na ginawa ng National Geographic na ang pagkumpiska ng ivory, rhino horn, at pangolin scale ay bumaba noong 2020 sa pinakamababang antas nito mula noong 2017, pero binanggit din sa pagsusuring iyon na nagkaroon ng “pagtaas sa iba pang mga palatandaan ng krimen sa mga hayop, kabilang ang bilang ng poaching at online na pagbebenta ng mga hayop o ng kanilang mga bahagi, na binibigyang-diin ang kahirapan sa paggawa ng mga konklusiyon mula sa datos ng pagkumpiska lang.” Samantala, ang COVID-19 ay tiyak na naglagay ng higit pang internasyonal na pagsisiyasat sa kalakalan ng mga hayop sa pangkalahatan at ng opinyon ng publiko sa mga bansa tulad ng China—matagal na isang koneksiyon para sa parehong legal at ilegal na kalakalan, ay nagpapakita ng malakas na suporta para sa mga naturang paghihigpit.
Ang mga datos bang ito ay may dalang pag-asa, o maliit na palatandaan lang ng isang pababang trajectory para sa kalakalan ng mga nahuling hayop sa buong mundo? Dahil mayroon pa ring matinding epekto ang COVID-19 sa lahat ng bagay sa buong mundo, maaaring masyado pang maaga para sabihin. Ang alam natin ay ang mga numero ay tila nagpapakita na ang isang pangkalahatang paghina sa buong mundo—lalo na pagdating sa paglalakbay, turismo, at pag-aangkat—ay maaaring magkaroon ng isang makabuluhang positibong epekto sa mga populasyon ng mga hayop sa buong mundo. Hindi pa malinaw kung ano ang mga pangmatagalang epekto ng paghina dulot ng COVID-19, kung magiging permanente ang mga ito, o kung babalik ang kalakalan ng mga hayop sa dati nitong antas (o lalala pa). Pansamantala, maipapakita sa atin ng mga makasaysayang trend na ito kung ano ang nangyari sa kalakalan, kung paano ito ginawa, at kung ano ang malamang na kahinaan nito na maaaring pagtuunan ng pansin ng mga tagapagtaguyod ng mga hayop para makagawa ng epektibong pagbabago.
Ang orihinal na pagsusuri at pag-uulat para sa proyektong ito ay kinumpleto ni Sara Marín López, isang Faunalytics volunteer, gamit ang buong LEMIS dataset.