Recreational fishing sa Buong Mundo: Mga Paunang Pagtatantiya
[This post has been translated from English to Tagalog. You can find the original post here. This translation was made possible with support from World Animal Protection courtesy of a grant from the Open Philanthropy Project.]
Ang komersyal na pangingisda ay mahusay na dokumentado sa ilang mga paraan: mayroon tayong ilang mga istatistika at datos na nagpapakita kung ano ang kalagayan ng komersyal na pangingisda sa buong mundo, kahit na hindi talaga lubos na maunawaan ang mga ito. Ngunit ang larangan ng recreational fishing ay higit na mas malabo. Ginawa ang pag-aaral na ito upang matantya ang bilang ng mga nahuhuling isda sa recreational fishing sa buong mundo. Sa kaalaman ng mga may-akda, ito ang unang pagtatangka na malaman ang bilang na ito. Bukod pa, pinag-aralan ang mga recreational fishing trends, para masubukang matukoy kung aling mga bansa ang tumaas ang bilang ng recreational fishing, at kung alin naman ang mga bumaba.
Tinukoy ng mga mananaliksik ang recreational fishing bilang pangingisda na isinasagawa nang walang intensyon na matugunan ang mga pangunahing pangangailangan sa nutrisyon o ekonomiya. Ang ganitong uri ng pangingisda ay naglalayon na bigyang kasiyahan ang oras ng paglilibang ng isang indibidwal at pangunahing isinasagawa nang para sa kasiyahan, at kung minsan ay tinutukoy rin bilang “isport.”
Nakatuon ang pag-aaral sa apat na magkakaibang bansa na na-survey, na nagbibigay ng paglalarawan ng mga pamamaraan na ginamit para tantyahin ang kabuoan ng recreational fishing para sa bawat bansa. Kabilang dito ang Brazil, Angola, Pilipinas, at United States. Ang recreational fishing ng Angola ay pangunahin nang nagmumula sa industriya ng turismo. Ang pangingisda sa Pilipinas ay nahahati sa pagitan ng competitive fishing at spearfishing. Karamihan sa U.S. at Brazil ay domestic recreational fishing population.
Gamit ang mga pagtatantiya mula sa mga bansang ito at sa iba pa, nakita ng mga mananaliksik na may humigit-kumulang 900,000 tonelada ng isda na nahuhuli mula sa mga karagatan bawat taon, na sa kanilang pagtatantiya ay kapareho nitong mga nakaraang taon. Maliit ang bilang na ito kumpara sa komersyal na pangingisda na, ayon sa pag-aaral na ito, ay humahakot ng halos 100 milyong tonelada ng isda bawat taon—kung ang pag-uusapan ay mga indibidwal, ang bilang ay nasa bilyon-bilyon, posibleng trilyon. Gayunpaman, dahil ang recreational fishing ay madalas na nakapokus sa tinatawag na “trophy catches“—mas malalaking isda na maaaring nangungunang mandaragit—ang ganitong uri ng pangingisda ay maaaring magkaroon ng malaking epekto sa bilang ng mga isda. Mas malaki pa ang epekto nito lalo na kung ang isang partikular na species ng isda na apektado ay nanganganib nang maubos.
Ang mga isda na nahuli at pinakawalan ay hindi kasama sa pag-aaral na ito. Nabanggit ng mga mananaliksik na ang paghuli at pagpapakawala ay nakakadagdag pa rin sa bilang ng mga namamatay na isda dahil maraming isda ang hindi nakaliligtas dito. Nangangahulugan ito na ang bilang ng mga isda na namamatay bilang resulta ng recreational fishing ay hindi lubos na kasama sa pag-aaral na ito. Ang ilang mga bansa, tulad ng United States, ay nakakita ng pagbaba sa recreational fishing. Malamang na dahil ito sa pagtaas ng bilang ng paghuli at pagpapakawala ng mga isda, na naging mas popular sa mga nakaraang taon.
Kahit na ang pag-aaral na ito ay gumamit ng pansamantalang datos na may mga resulta na medyo haka-haka, naniniwala ang mga mananaliksik na ang kanilang mga resulta ay nagbigay ng pagpapaunlad sa nakaraang datos. Dati, kung walang datos na naitala para sa isang bansa, ito ay nakalista bilang may zero tonelada bawat taon. Dahil dito, nagkaroon ng napakalaking pagkukulang sa representasyon ng datos sa recreational fishing. Maraming ecosystem sa karagatan ang malapit nang masira kaya ang kaunawaan sa pangingisda ay kinakailangan. Mahalagang ipagpatuloy ang pagsasaliksik na ito upang mas maunawaan kung aling partikular na populasyon ang pinaka-nanganganib. Bilang karagdagan, ang pagmamasid sa mga trend sa pangingisda ay maaaring makatulong sa mga advocates na mas mapataas ang kamalayan ng publiko sa pagdurusa na dinaranas ng mga isda.
