Paano Magmensahe Ng Mga Diyeta At Produktong Nakabatay Sa Halaman Sa Timog-Silangang Asya: Isang Pagsusuri sa Social Media
Karanasan
Ang Timog-Silangang Asya ay isang kritikal na rehiyon sa adbokasiya para sa hayop. Tahanan ng mahigit siyam na bilyong inaalagaang mga hayop sa lupa, magkakaibang relihiyon, at maraming wika at konteksto ng kulturang puwedeng tawirin, mahalaga ang rehiyon pero mahirap na lugar sa paglikha ng positibong epekto para sa mga hayop — lalo na tungkol sa paglipat sa diyetang nakabatay sa halaman.
Natukoy sa nakaraang pananaliksik ang mga natatanging bentaha at desbentaha ng adbokasiyang nakabatay sa halaman sa rehiyon. Halimbawa, habang maaaring isaalang-alang ng mga mamimili sa Kanluran na hindi gaanong maganda sa katawan ang mga produktong karneng nakabatay sa halaman dahil sa kanilang pagproseso sa mga pasilidad ng pabrika, maaaring hindi ito isang pangunahing alalahanin sa kalusugan para sa mga mamimili sa Timog Silangang Asya (Good Growth and GFI, 2024). Gayunpaman, natuklasan din ng parehong pag-aaral na 21% lang ng mga mamimili sa Timog Silangang Asya ang nagpahayag ng hangaring bawasan ang pagkonsumo ng karne, habang nais dagdagan ng parehong proporsyon ang kanilang pagkonsumo ng karne, partikular ng manok at isda. Gayunpaman, hindi malinaw kung ano ang pinakamabisang mga diskarte sa pagmemensahe dahil nakatuon ang karamihan sa mga pag-aaral ng mamimili sa mga konteksto sa Kanluran.
Para matugunan ang puwang sa pananaliksik na ito, kinikilala ng pag-aaral na ito ang mga pangunahing tagasubaybay sa Timog-Silangang Asya na pinakabukas sa paglipat sa diyetang paborable sa mga hayop, sinusuri ang kanilang mga mapagkukunan ng impluwensya, at tinutukoy kung aling mga mensahe ang maaaring pinaka makahikayat sa mga mamimili. Para marating ang aming mga konklusyon, gumamit kami ng kombinasyon ng pagsusuri sa literatura at “pakikinig sa pulso ng bayan” — isang paraan ng pamamaraan ng pagsusuri sa mga komento sa social media para matukoy ang mga paniniwala. Sinuri namin ang diskurso sa social media sa anim na bansa: Thailand, Pilipinas, Vietnam, Singapore, Indonesia, at Malaysia.
Ipinapakita ng mga natuklasang ito ang mahalagang pagkakataon para sa mga tagapagtaguyod na mas maunawaan kung paano tinitingnan ng mahalagang rehiyong ito ang mga diyeta at produktong nakabatay sa halaman — and higit pa rito, ipinapakita ng mga natuklasang ito kung paano mapapahusay ng mga tagapagtaguyod ang mga estratehiya nila para mapainam ang positibong epekto sa mga hayop.
Mga Pangunahing Natuklasan
- Kadalasang mataas ang kita, mataas na naabot na edukasyon, may kamalayan sa kalusugan, at mas matanda sa 55 ang mga pangunahing bahagi ng populasyon ng mamimili na nagpapakita ng pagkabukas tungo sa mga diyetang nakabatay sa halaman sa Timog-Silangang Asya. Bagama’t maaaring mag-iba ang mga partikular na bahagi ng populasyon sa buong mga bansa, dapat isaalang-alang ng mga tagapagtaguyod na i-target ang mga pangkat na ito gamit ang mga kampanya sa pagpapalit ng diyeta. Maaari ding maging pinaka-interesado sa mga alternatibo sa karneng nakabatay sa halaman ang mga taong naghahanap ng panghalili sa protina at nang mabawasan ang pulang karne.
- Ang tatlong pinakamalaking pangganyak para sa mga diyetang nakabatay sa halaman ay ang kalusugan (43% ng kabuuang pangganyak na binanggit), pagkalinga sa hayop (17%), at kapaligiran (12%) — pero nagpapatuloy ang mga hadlang. Halimbawa, habang binanggit ng mga gumagamit ang pag-iwas sa sakit, pamamahala sa timbang, at pangkalahatang kagalingan bilang mga motibasyon sa kalusugan, 23% ng mga pagbanggit na nauugnay sa mga hadlang sa pagkunsumo ng mga diyetang nakabatay sa halaman ay nauugnay sa pag-aalinlangan tungkol sa sapat sa nutrisyon, enerhiya, at protina. Ang pagkalinga sa hayop at mga alalahanin sa etika ang pangalawang pinakamalaking pangganyak, ngunit ang pangganyak na ito ay tila pangunahing isinusulong ng mga masigasig na tagasuporta ng adbokasiya sa halip na ng mga pangunahing mamimili, na nagpapahiwatig na maaaring limitado ang impluwensya ng naturang mga naratibo. Panghuli, iniugnay ng mga mamimili ang mga diyetang nakabatay sa halaman sa pagbawas ng mga emisyon ng carbon at pagtatanggal ng mga puno sa gubat at pagbawas sa mga sakunang nauugnay sa klima. Gayunpaman, hinahamon ng ilang hindi sumasang-ayon na tinig ang epekto sa kalikasan ng agrikultura ng hayop, na iginigiit na nag-aambag ang mga hayop sa muling pagpapayaman sa lupa at kasapatan ng pagkain.
- Ang mga karaniwang relihiyon sa Timog Silangang Asya — kabilang ang Hinduismo, Budismo, at Islam — ay may iba’t ibang epekto sa mga saloobin sa mga diyetang nakabatay sa halaman, parehong positibo at negatibo. Hinihikayat ng Budismo at Hinduismo ang mga diyetang nakabatay sa halaman, na may maraming tagasunod na nakatuon sa pagiging vegetarian sa panahon ng mga panrelihiyong pista-opisyal at mga gawain ng pasasalamat. Ang pangganyak na ito ay partikular na malakas sa Malaysia at Thailand, kung saan 12% ng mga post na nauugnay sa pangganyak ay tumukoy sa mga dahilang nauugnay sa relihiyon para sa pagbabawas ng karne. Sa kabilang banda, maaaring maging hadlang sa pagbawas ng karne ang mga tradisyon ng Islam tulad ng pansakripisyong pagpatay ng hayop at malakas na paniniwala sa kultura na nauugnay sa karne, partikular sa Indonesia at Malaysia, kung saan nabanggit ang mga pamantayan sa relihiyon sa 12% ng mga post na nauugnay sa mga hadlang.
- Nakakahadlang ang mga alalahanin sa gastos at pag-access sa maraming mamimili sa buong Timog-Silangang Asya, pero ang matitipid mula sa diyetang nakabatay sa halaman ay isang pangganyak din para sa ilang mamimili sa Indonesia at Vietnam. Binanggit ang gastos bilang pangunahing pumipigil sa humigit-kumulang 16% ng post na nauugnay sa hadlang. Ang karneng nakabatay sa halaman ay lubos na mas mahal kaysa sa karne sa maraming bansa, at tinitingnan bilang isang karangyaan. Gayunpaman, nabanggit ng minorya ng mga social post sa Indonesia at Vietnam (3%) ang pagbawas ng karne dahil sa pagtaas ng mga presyo, na nagmumungkahi ng pagkakataon na iposisyon ang mga diyetang nakabatay sa halaman na matipid sa ilang merkado.
- Ang mga negatibong pang-unawa sa mga tagapagtaguyod na nakabatay sa halaman ay maaaring lumikha ng pagtutol, lalo na sa Singapore at Thailand. Nagpahayag ang humigit-kumulang 10% ng mga post na nauugnay sa hadlang ng mga negatibong pananaw ng mga vegan at tagapagtaguyod na nakabatay sa halaman, na inilalarawan ang mga ito bilang mapanghusga, labis na kritikal, o idealistiko.
- Nalillimitahan ng paghahanap ng karne at mga kagustuhan sa panlasa ang pangmatagalang pagkunsumo para sa ilan, partikular sa Pilipinas, pero kinokonsidera ng maraming yumakap sa diyetang nakabatay sa halaman ang lasa na isang pangganyak sa halip na hadlang. Humigit-kumulang 7% ng post na nauugnay sa hadlang sa Pilipinas ay partikular na tumukoy sa paghahanap ng karne, ang pinakamataas sa lahat ng bansa sa pag-aaral. Sa buong rehiyon, maraming mamimili ang mas bukas sa paminsan-minsang pagbawas ng karne sa halip na ganap na pagiging vegetarian o vegan, at ang ilan ay handa lang na palitan ang pulang karne pero hindi ang pagkaing-dagat o manok. Ang lasa ay nananatiling isyu, pero kadalasan para sa mga hindi pamilyar sa mga kahalili na nakabatay sa halamang mga alternatibo. Sa hanay ng mga yumakap sa mga diyetang nakabatay sa halaman, ang lasa ay limang beses na mas malamang na mabanggit bilang pangganyak kaysa sa hadlang sa kanilang mga post sa social media.
- Ang mga pangunahing mapagkukunan ng impluwensya para sa mga opinyon sa mga diyetang nakabatay sa halaman ay ang mga kilalang tao (21% ng kabuuang pagbanggit), balita at media (13%), at mga grupo para sa adbokasiya (12%). Kasama sa iba pang mapagkukunan ang akademya, mga brand, pinuno ng relihiyon, mga organisasyong supranational (hal., ang UN, WHO), mga lokal na komunidad, at pamahalaan. Ang napakalaking pagbanggit ng mga celebrity — na kinabibilangan ng mga taong tulad nina Fujii Kaze (musikero sa Japan), Nadine Lustre (Pilipinang artista), at Lewis Hamilton (F1 driver) — at mga pelikulang tulad ng Okja at You Are What You Eat ay nagpapahiwatig na maaaring pangunahing mga paraan ito para maitaguyod ang pagkaing nakabatay sa halaman sa mga mamimili.
Mga Mungkahi
Para sa Mga Tagapagtaguyod
- Gamitin ang pagmemensaheng nauugnay sa kalusugan bilang pangunahing punto ng pagpasok. Ang mga benepisyo sa kalusugan ay kabilang sa mga pinaka maimpluwensyang mga dahilan na humuhubog sa mga saloobin sa mga diyetang nakabatay sa halaman. Ang pulang karne, partikular, ay malawakang itinuturing na hindi mainam sa katawan, na ginagawang epektibong estratehiya ang pagmemensaheng nakabatay sa kalusugan para sa paghihikayat na bawasan ang pagkain ng pulang karne. Itampok ang mga benepisyo sa kalusugan ng pagyakap sa pagkaing nakabatay sa halaman, tulad ng pinahusay na pangkalahatang kagalingan, pag-iwas sa sakit, at pamamahala sa timbang, dahil mga nangungunang benepisyo ang mga ito para sa karamihan ng mga mamimili. Gayunpaman, tandaan ang “problema sa pagpapalit ng maliit na hayop,” na nangyayari kapag pinalitan ng mga mamimili ang baboy at karne ng baka ng isda o manok, na nagdudulot ng mas maraming pagkamatay at pagdurusa ng hayop. Para maiwasan ito, hikayatin ang mga karneng nakabatay sa halaman, hindi lang ang pagbabawas ng pulang karne.
- Isaalang-alang ang pakikipagtulungan sa mga nutrisyunista, mga propesyonal sa pangangalaga ng kalusugan, at mga institusyong medikal para matugunan ang mga patuloy na maling pagkaunawa tungkol sa mga diyetang nakabatay sa halaman. Mahigit sa ikalima sa mga nabanggit na hadlang sa pagkaing batay sa halaman ay nauugnay sa mga alalahanin sa kalusugan. Kapag pinag-isipan at pinagaan ang mga alalahaning ito, palaging siguraduhing makapagbibigay ka ng kapani-paniwala, batay sa ebidensyang impormasyon kapag nakikipag-ugnayan sa mga mamimili tungkol sa diyeta.
- Itaguyod ang abot-kaya at lokal na mga pagpipilian na nakabatay sa halaman para matugunan ang mga alalahanin sa gastos. Sa buong Timog Silangang Asya, ang tofu, tempeh, langka, at iba pang karaniwang kinakaing nakabatay sa halaman ay matagal nang bahagi ng mga lokal na diyeta, subalit hindi sila aktibong nakikita bilang bahagi ng “kilusang nakabatay sa halaman.” Sa halip na itaguyod ang mga mamahaling kahalili sa karne, maaaring isaalang-alang ng mga kampanya ang pag-rebrand ng tradisyonal at lokal na mga pagkaing nakabatay sa halaman bilang kanais-nais at moderno, na itinatampok ang mga ito bilang masustansiya, pamilyar, at matipid. Sa Indonesia at Vietnam, kung saan binabawasan ng ilang mamimili ang karne dahil sa presyo, nakikita ang mga diyetang nakabatay sa halaman bilang matalinong pagpipiliang magaan sa bulsa. Ang paglikha ng mga gabay sa pagkaing nakabatay sa halaman na tumutugon sa iba’t ibang antas ng kakayahan ay maaaring magpakita ng iba’t ibang produkto at mas abot-kayang presyo, at mapawi ang pang-unawang mas mahal ang mga diyetang nakabatay sa halaman.
- Iangkop ang pagmemensahe sa mga komunidad ng relihiyon, gamitin ang mga umiiral na tradisyon sa halip na hamunin ang mga ito. Sa Thailand, Vietnam, at Malaysia, makipagtulungan sa mga grupo ng relihiyon na Buddhist at Hindu para itaguyod ang pagkaing nakabatay sa halaman bilang may pagsasaaalang-alang sa mga nilalang at nakatutugon sa espirituwalidad na pagpipilian (hal., paggamit ng konsepto ng karma), na nag-aangkop ng mga kampanya sa pangunahing kaganapan sa kultura at espirituwalidad para higit pang makamit ang mga network ng tiwala at pagpapahalaga sa komunidad. Sa Indonesia at Malaysia, kung saan naghahatid ang mga tradisyon ng Islam tulad ng pansakripisyong pagpapatay ng mga hayop sa panahon ng Eid ng hadlang, pagtuunan ang mga benepisyo sa kalusugan sa halip na ang mga etikal na argumento, pati na rin ang katotohanan na marami (halos lahat) ng pagkaing nakabatay sa halaman ay umaangkop sa mga alituntuning halal.
- Sa magkakaibang komunidad ng relihiyon, tulad ng sa Malaysia at Singapore, ipakitang ang mga diyetang nakabatay sa halaman ang pinaka-inklusibong pagpipilian. Dahil halos palaging umaangkop ang mga pagkaing nakabatay sa halaman sa pamantayan ng diyeta sa relihiyon (tulad ng halal o pagiging vegetarian sa Budismo), maaari maging pangunahing alituntunin ang mga ito sa institusyon para sa mga organisasyon tulad ng mga sentro ng komunidad o paaralan na tumutugon sa maraming relihiyon.
- Iangkop ang pagmemensahe sa mga posibleng mahikayat na mga mamimili. Malamang na tumugon nang maayos ang mga tagasubaybay na hinihimok ng mga pagpapahalaga at may kamalayan sa kalusugan sa mga naratibong nagbibigay-diin sa pagbabago ng klima, pagpapanatili sa kapaligiran, at mga benepisyong pangkalusugan sa mga pamilya nila. Makipag-usap sa mga mamimili na nag-aalala tungkol sa kaligtasan ng pagkain gamit ang pagmemensaheng binibigyang-diin ang katapatan at katiyakan sa kaligtasan ng mga pinagmumulan ng pagkain. Gamitin ang impluwensya ng mga vegetarian na kaibigan o miyembro ng pamilya sa kanilang mga komunidad. Iposisyon ang karneng nakabatay sa halaman bilang bago at masustansyang alternatibo para sa mga interesado at sabik na bawasan ang pagkonsumo ng pulang karne.
- Gumamit ng hindi mapanghusga at inklusibong pagmemensahe para kontrahin ang mga negatibong pang-unawa sa mga tagapagtaguyod ng mga nakabatay sa halaman. Iwasan ang pagiging mas mataas sa moral o ang taktika ng panghihiya, dahil nakapagpapalayo ito sa mga mamimili. Bigyang-diin ang personal na pagpili, maliliit na hakbang (hal., “Bawal ang Karne kapag Lunes,” “Veganuary”), at unti-unting paglipat tulad ng mga diyetang flexitarian sa halip na all-or-nothing na mga diskarte. Itaguyod ang iba’t ibang role model at patok sa tagasubaybay na influencer sa halip na mga maiingay na mga aktibista lang para gawing mas malapit ang mga pamumuhay na nakabatay sa halaman.
- Gamitin ang impluwensya ng mga kilalang taong may simpatiya sa produktong nakabatay sa halaman at mga atleta sa kanilang mga komunidad ng tagahanga. Habang natuklasan sa mas naunang pag-aaral ng Faunalytics na ang mga kilalang tao ay may maliit na epekto sa pagbabago ng diyeta sa pangkalahatang populasyon, ipinapakita ng aming pakikinig sa pulso ng bayan na maaaring magdulot ang mga kilalang tao ng interes sa mga diyetang nakabatay sa halaman, lalo na sa mga tagahangang humahanga sa kanilang paninindigan sa kanilang mga pagpapahalaga at estilo ng pamumuhay. Makipagtulungan sa mga atleta, aktor, at musikerong may mga malakas na komunidad ng tagahangang maaaring itaguyod ang pagkaing nakabatay sa halaman bilang isang desisyon sa pamumuhay sa halip na sakripisyo.
- Gamitin ang media na panlibangan, tulad ng pagkukuwento sa dokumentaryo at mga format ng reality TV, para itampok ang pagkaing nakabatay sa halaman sa mga nakahihikayat na paraan. Idiniriin ng pakikinig sa pulso ng bayan ang mga natuklasan sa nakaraang pananaliksik ng Faunalytics (2022) na ang mga dokumentaryo ay kabilang sa pinakamabisang media sa pag-impluwensya sa mga mamimili para mabawasan ang kanilang pagkonsumo ng produktong karne. Isaalang-alang ang pakikipagtulungan sa mga rehiyonal na direktor at prodyuser para lumikha ng nakakaakit, nakatuon sa lokalidad na nilalaman sa kaligiran ng kilusan sa Timog Silangang Asya.
Para sa Mga Mananaliksik
- Palawakin ang mga pag-aaral sa pagbabahagi ng populasyon ng mamimili para mas maunawaan ang mga pagkakaiba-iba. Nananatiling limitado ang pananaliksik sa mga saloobing nakabatay sa halaman ng mamimili sa Singapore, Indonesia, Vietnam, at Pilipinas. Dapat suriin ng mga pag-aaral sa hinaharap kung aling mga demograpiko (hal., mga flexitarian, mamimili na sensitibo sa presyo, mga batang propesyonal na may kamalayan sa kalusugan) ang pinaka-matatanggap sa mga bansang ito, at kung anong mga tiyak na mensahe ang tumutugma sa bawat bahagi ng populasyon. Dahil sa pag-aalinlangan ng ilang bahagi ng populasyon sa karneng nakabatay sa halaman, dapat isama sa mga pag-aaral sa hinaharap ang mga pagsisiyasat tungkol sa mas malawak na pagbawas ng karne (hal., ganap na pagkain ng halaman).
- Siyasatin ang mga pang-unawa sa gastos kumpara sa realidad. Tinitingnan ng ilang mamimili ang mga diyetang nakabatay sa halaman bilang mahal, habang binabawasan ng iba ang karne dahil sa gastos. Natuklasan ng ilang pag-aaral na ang pagkonsumo ng mga diyetang nakabatay sa halaman ay hindi kinakailangang isinusulong ng mas mayayamang mamimili (hal., sa isang pag-aaral tungkol sa Vietnam, ni Delley atbp. (2024), napag-alaman na mula sa mas mababang antas ang mataas na porsyento ng mga mamimiling may kamalayan sa kalusugan na iniisip na bawasan ang pagkonsumo ng karne). Sa gayon, maaaring magbukas ng mga bagong anggulo ang mas tiyak na pagsisiyasat sa mga gastos sa mga diyetang nakabatay sa halaman.
- Siyasatin ang pagkakakilanlan sa politika na nauugnay sa kilusan para sa produktong nakabatay sa halaman at mga epekto sa bisa at naaabot ng mga kampanya sa adbokasiya. Ang mga negatibong pang-unawa ng mga tagapagtaguyod na nakabatay sa halaman ay bihirang siyasatin sa mga umiiral na pag-aaral. Partikular, dapat suriin ng mga pag-aaral sa hinaharap kung ang mga negatibong palagay sa mga tagapagtaguyod na nakabatay sa halaman ay lumilikha ng pagtutol sa pagpapalit ng diyeta at kung paano maiaangkop ang pagmemensahe para malampasan ang mga hadlang na ito.
- Isama ang iba’t ibang pamamaraan, kabilang ang mga kwalitatibong pag-aaral at sarbey, para makatulong sa umiiral na pananaliksik at makabuo ng mas malalim na pag-unawa sa mga mamimili sa Timog Silangang Asya. Ito ay partikular na mahalaga para sa pag-aaral sa pangmatagalang pagbabago ng pag-uugali sa pagkonsumo ng pagkaing nakabatay sa halaman, dahil nag-e-eksperimento ang maraming mamimili sa mga diyetang nakabatay sa halaman pero kalaunan ay bumabalik sa pagkain ng karne. Ang mga pag-aaral sa mga salik na nakakaimpluwensya sa pagpapanatili at pagbuo ng gawi (ang isang naturang pag-aaral ay ginawa ng Faunalytics noong 2023) ay maaaring maghatid ng mas malalim na mga kabatiran.
- Magbigay ng bukas na access sa walang pagkakakilanlang datos ng mamimili para sa pananaliksik, kung maaari. Sa panahon ng pag-aaral na ito, napag-alaman namin na ang iba pang mananaliksik na nagsisiyasat sa mga katulad na paksa ay nakakolekta ng mga datos para sagutin ang aming mga katanungan sa pananaliksik pero pinili na suriin ito sa ibang paraan. Halimbawa, malamang na mas maging malaman ang seksyon ng pagsusuri sa literatura ng pag-aaral na ito kung may access tayo sa hilaw na mga datos na nakolekta sa nakaraang pananaliksik.
Paglalapat ng Mga Natuklasan na Ito
Ang ulat na ito ay maaaring estratehikal na magamit sa ilang pangunahing paraan:
- Pagkilala sa mga maaaring mahikayat na bahagi ng populasyon ng mamimili para sa pagmemensahe sa paglipat sa diyetang nakabatay sa halaman;
- Pag-aayos ng mga diskarte sa komunikasyon na tumutugon sa mga mamimili ng Timog Silangang Asya, na nakaayon sa kanilang mga pagpapahalaga at pangganyak habang tinutugunan ang mga hadlang sa pagpapalit;
- Pagtukoy sa mga potensyal na mapagkukunan ng impluwensyang maaaring makatulong sa pagbuo ng mga positibong pang-unawa sa mga diyetang nakabatay sa halaman; at
- Pagbubuo ng mga palagay at paghuhubog ng mga diskarte para sa pananaliksik sa hinaharap sa paksa ng mga diyetang nakabatay sa halaman sa Timog-Silangang Asya, na bumubuo sa mga pagkatuto mula sa pag-aaral na ito.
Naiintindihan namin na maraming impormasyon na dapat isaalang-alang ang mga ulat na tulad nito at maaaring maging hamon ang pagkilos sa pananaliksik. Masaya ang Faunalytics at Good Growth na mag-alok ng walang bayad na suporta sa mga tagapagtaguyod at organisasyong non-profit na nais ng gabay sa paglalapat ng mga natuklasang ito sa kanilang sariling gawain. Pakibisita ang aming virtual na Mga Oras sa Opisina o makipag-ugnayan sa amin para sa suporta.
Sa Likod ng Proyekto
Pangkat ng Mananaliksik
Ang mga nangungunang may-akda ng proyekto ay sina Audrey Tsen (Good Growth) at Thomas Manandhar-Richardson (Good Growth, Bryant Research), na sinuportahan ang pananaliksik nina Takuto Shiota (Shiota Health Communications) at Jack Stennett (Good Growth). Sinuri at pinangangasiwaan ni Jah Ying Chung (Good Growth), Allison Troy (Faunalytics), at Andie Thompkins (Mercy for Animals, Faunalytics) ang gawain.
Mga Pasasalamat
Bilang karagdagan, nagpapasalamat kami sa mga donor ng Faunalytics para sa inyong suporta — nagbigay-daan sa amin ang inyong mga donasyon na magsagawa ng mahalagang pananaliksik tulad nito para matulungan kayong umaksyon para sa mga hayop.
Mga Terminolohiya ng Pananaliksik
Sa Faunalytics, nagsusumikap kaming gawing naa-access ng lahat ang pananaliksik. Iniiwasan namin ang jargon at teknikal na terminolohiya hangga’t maaari sa aming mga ulat. Kung nakatagpo ka ng hindi pamilyar na termino o parirala, tingnan ang Faunalytics Glossary para sa madaling gamitin na mga kahulugan at halimbawa.
Pahayag ng Etika ng Pananaliksik
Tulad ng lahat ng orihinal na pananaliksik ng Faunalytics, isinagawa ang pag-aaral na ito ayon sa mga pamantayang nakabalangkas sa aming Etika ng Pananaliksik at Patakaran sa Paghawak ng Data.
Citations:
Tsen, A., Manandhar-Richardson, T., Troy, A., & Thompkins, A. (2025). How To Message Plant-Based Diets And Products In Southeast Asia: A Social Media Analysis. Faunalytics. https://faunalytics.org/messaging-plant-based-diets-in-southeast-asia/

