May Hawla o Walang Hawla: Iyan ang Tanong
This post has been translated from English to Malay. You can find the original post here.
Ang karamihan sa mga itlog sa mundo ay nagmumula sa Asya, kung saan mahigit 800 bilyon ang produksyon kada taon. Ang mga itlog na ito ay mula sa mahigit sa tatlong bilyong inahing manok na karamihan ay nakaimbak sa mga hawla para sa mga inahin — mga masisikip na hawlang kawad kung saan hindi ang mga ito halos makagalaw, maging magsagawa ng mahahalagang natural na gawi tulad ng paghahanap ng pagkain at pagligo sa alikabok. Ang mga pangunahing bansang gumagawa ng itlog sa Asya ay kinabibilangan ng Tsina, Indonesia, Japan, Malaysia, Pilipinas, at Thailand.
Ang pag-aalaga ng mga hayop sa mga hawla ay isang pangunahing usapin sa kapakanan ng hayop, at ang pagpapahinto sa mga nag-aalaga sa paggamit ng mga hawla ay pangunahing pokus para sa mga tagapagtaguyod ng hayop. Maraming bansa sa Europa ang lumilipat palayo sa produksyon ng mga itlog na mula sa hawla, ngunit ang Asya ay nahuhuli sa parehong paninindigan sa pagwawakas sa paggamit ng mga hawla at pag-unlad patungo sa produksyon na walang hawla.
Ang pag-aaral na ito ay nag-iimbestiga sa mga pananaw ng mga producer ng itlog sa Asya sa pagiging posible ng paggamit ng mga sistemang walang hawla, kabilang ang mga hadlang na kinakaharap nila at ang kanilang mga pananaw sa mga potensyal na solusyon sa mga hamong ito. Gumamit ang mga mananaliksik ng magkakasamang pamamaraan gamit ang survey na may parehong sarado at bukas na tanong. Nagbigay-daan ito para sa kwantitatibo at kwalitatibong pagsusuri para makakuha ng insight mula sa kabuuang 202 producer sa mga pangunahing bansa sa produksyon ng itlog. Sa mga ito, 165 ay mga producer na may sistema ng hawla at 37 ay walang hawla.
Para sa layunin ng pag-aaral, ang mga sistema ng hawla ay tinukoy bilang ang paggamit ng mga hawlang kawad para paglagyan ng mga manok sa loob ng mga hawla, habang ang mga sistemang walang hawla ay may kasamang panloob na pabahay sa mga kulungan (na maaaring magkaroon ng isa o higit pang antas) at mga sistema ng malayang nakakagalaw na mga manok (free-range). Pinili ng mga mananaliksik na magtuon sa mga tugon mula sa mga producer na may mga sistema ng hawla.
Sa lahat ng bansa, tinukoy ng karamihan sa mga producer (53%) ang kadalian ng pamamahala bilang pangunahing dahilan sa paggamit ng mga hawla. Sa kanilang pananaw, ang mga sistema ng hawla ay mas mahusay, na nagpapalaki sa produksyon ng itlog at paggamit ng lupa habang binabawasan ang mga gastos. Naaayon ito sa iba pang pananaliksik na nagpapakita na ang sistema ng paggamit ng hawla sa U.K. ay gumawa ng 5% hanggang 7% mas maraming itlog kada taon kumpara sa sistemang walang hawla, at ang mga gastos para sa mga sistemang walang hawla sa U.S. ay humigit-kumulang 23% mas mataas kaysa sa sistemang may hawla.
Hindi nakakapagtaka, kung gayon, ang mga hadlang sa paggamit ng mga sistemang walang hawlang nakasentro sa pagkakaroon ng lupa, mas mataas na gastos sa produksyon, pamamahala, at pag-iwas sa sakit. May mga alalahanin tungkol sa pagkakaroon ng lupa kahit sa Tsina (nakilala ng 15% producer doon), isang bansang hindi bababa sa limang beses na mas malaki kaysa sa iba pang bansa sa pag-aaral.
Sa kabila ng mga pinaghihinalaang hamong ito, halos dalawang-katlo ng mga producer ang isinasaalang-alang ang mga sistemang walang hawla na posible namang magagawa kahit papaano sa kanilang bansa, at tinukoy ng 93% ng producer ang hindi bababa sa isang dahilan para magpatibay ng mga sistemang walang hawla. Kasama sa pinakakaraniwang dahilan ang pagpapabuti ng kapakanan ng inahin (30%) at pagkakaroon ng access sa espesyal na merkado na may pagkakaiba-iba ng tatak (21%).
Gayunpaman, kapag tinanong kung magagawa ang mga sistemang walang hawla, malaki ang pagkakaiba ng mga pagtingin sa pagitan ng mga bansa. Tatlong-kapat ng mga producer sa Thailand ang hindi sumang-ayon, habang sumang-ayon ang lahat ng taga-Malaysia na tumugon sa kahit ilang antas. Ito ay partikular na kapansin-pansin dahil, sa kasalukuyan, halos 100% ng itlog na mula sa Malaysia ay nagmumula sa mga manok na nasa hawla — na kumakatawan sa natatanging pagkakataon para sa mga tagapagtaguyod ng hayop na nagtatrabaho roon.
Upang malampasan ang mga hadlang sa produksyon na walang hawla, tinukoy ng mga tumugon ang pag-unlad ng industriya, tulad ng teknolohiya, pagbabahagi ng kaalaman, at suporta sa patakaran, at pag-unlad ng merkado, kabilang ang mga pagtaas ng presyo at pagtaas ng demand, bilang mga pangunahing solusyon. Karamihan sa mga producer (79%) ay sumang-ayon na kailangan nila ng kahit man lang ilang suporta para gawin ang paglipat, kung saan madalas mabanggit ang mga teknikal na payo (23%), pagsasanay at mga mapagkukunan (23%), at tulong sa gastos (16%).
Ni-rate ng mga producer ang mga pamahalaan bilang pinakasikat na opsyon para sa pagbibigay ng suporta (55%), habang ni-rate nila ang mga tagapagtaguyod bilang hindi gaanong sikat (2%). Ito ay maaaring ipaliwanag sa pamamagitan ng ilan sa mga iminungkahing solusyon, tulad ng isang producer sa Indonesia na nagpahayag na may patakaran ang pamahalaan sa pagtatakda ng mga limitasyon sa mataas na presyo sa mga itlog na hindi nakakahikayat sa mga producer na lumipat mula sa mga hawla.
Bagama’t ang mga producer na ito ay hindi sumasang-ayon sa mga tagapagtaguyod, may mga makabuluhang pagkakataon para sa mga tagapagtaguyod na maimpluwensyahan ang mga pamahalaan sa pamamagitan ng paglo-lobby, pag-aalok ng patnubay, at paghahatid ng mga mapagkukunan para himukin ang batas na nagpapatigil sa produksyon ng itlog na mula sa hawla.
Kahit na walang batas, tumataas ang demand ng mamimili sa mga bansang ito para sa mga itlog na may mas mataas na pagsasaalang-alang sa kapakanan, at maaaring pagbutihin ng mga tagapagtaguyod ang momentum na ito. Sa nakaraang pananaliksik na nagpapakita na mahigit sa dalawang-katlo ng mga mamimili ng itlog sa Tsina, Malaysia, Pilipinas, at Thailand ay naniniwalang ang kapakanan ng manok ay mahalaga sa kanila, maaaring bigyan ang mga producer ng insentibong lumipat patungo sa produksyon nang walang hawla upang matugunan ang lumalaking pangangailangan ng mga mamimili. Higit pa rito, dumarami ang bilang ng mga paninindigan mula sa mga multinasyonal na kompanya ng pagkain na mag-angkat ng mga itlog na hindi mula sa hawla, na nagbibigay ng karagdagang pagganyak na lumayo sa produksyon ng mga itlog na mula sa hawla.
Ang mga may-akda ay nagmumungkahi ng ilang hakbangin para isulong ang produksyon ng itlog na hindi mula sa hawla sa Asya, kabilang ang:
- Pagpapakita sa komersyal na posibilidad na magtagumpay ang mga modernong manukan para sa itlog na hindi mula sa hawla;
- Pagbutihin ang kahusayan at mga kasanayan sa pamamahala sa mga manukang para sa itlog na hindi mula sa hawla;
- Pagbutihin ang mga kasanayan ng mga magmamanok at maghatid ng teknolohiya upang mapabuti ang kapakanan at pamamahala sa mga manukan para sa itlog na hindi mula sa hawla; at
- Makipagtulungan sa gobyerno at industriya upang malampasan ang mga hadlang na binanggit at suportahan ang paglipat sa mga manukan para sa itlog na hindi mula sa hawla.
Bagama’t ang pananaliksik na ito ay isang panimulang pag-aaral, naghahatid ito ng kapaki-pakinabang na insight para sa mga tagapagtaguyod para maunawaan ang mga pangunahing aksyong kailangan para wakasan ang produksyon ng itlog na mula sa hawla sa Asya. Sa pamamagitan ng pagtataguyod ng mga patakaran sa kapakanan ng hayop para sa mga gobyerno at negosyo, maaaring hindi direktang maimpluwensyahan ng mga tagapagtaguyod ng hayop ang mga producer ng itlog na mula sa hawla at isulong ang paglipat patungo sa produksyon ng itlog na hindi mula sa hawla.
https://doi.org/10.3389/fvets.2022.1038362

